Blog # 5: Ang Pagiging Bakla ay Pagkabayubay rin sa Krus ng Kalbaryo ni Rolando A. Bernales
Ang Pagiging Bakla ay Pagkabayubay rin sa Krus ng Kalbaryo
ni Rolando A. Bernales
Mula sa antolohiyang Taguan: Dalawang Dekada ng Pagsusulat at Pagkamulat
LILAM, QUEENY C.
BSCRIM 2-A
GABAY SA PAGSUSURI
1. Ipaliwanag ang pamagat ng tula. Bakit gayon ang sinabi ng may-akda sa pamagat?
Ang akda ay pinamagatang "Ang Pagiging bakla ay Pagkabayubay rin sa Krus ng Kalbaryo" sapagkat ang sentral na paksa ay ang mga bakla sa lipunan kung saan kinikila ng karamihan bilang mga salot sa lipunan. Nais ilahad ng may-akda ang realidad na kinakaharap ng mga bakla sa lipunan kung saan naging tampulan sila ng mga pangungutya, pagtatakwil at panghuhusga sa kahit saang bahagi ng lipunan man sila pumunta. Ang hindi pagtanggap sa kanilang nadiskubring kasarian ay parang isa na ring kalbaryo sapagkat habang sila ay nabubuhay pasan-pasan nila ang bigat ng kalooban at pang-iinsulto ng buong sambayanan. Araw-araw nilang kinakaharap ang kapalit ng kanilang pagpapakatotoo sa lipunan sapagkat ang mga mata ng karamihan sa sambayanan ay nakadilat upang manghusga sa halip na umunawa. Ang katotohanang tanging tinatanggap ng kanilang isipan ay ang pagiging bakla ay isang kasalanan na hindi kailanman magiging karapat-dapat na magkaroon ng pantay na karapatan sa lipunan. Iilan lamang ang mga matang may pagtingin ng pag-unawa at busilak na puso sa pagtanggap sa mga ganitong kasarian kung kaya't hindi maiiwasang ang mga bakla ay makaranas ng mga pang-aapi sa lipunan.
2. Sino ang sinasabi sa tulang iba’t ibang mukha? Ano ang ginagawa nila?
Ang sinasabi sa tula ng may-akda na iba't ibang mukha ay ang mga taong nakapaligid sa mga bakla sa lipunan: bata, matanda, lalaki, babae, ina, ama, anak o kapatid, mayaman o mahirap, kakilala o ‘di kakilala man. Ang mga mukhang ito ay walang pinipiling edad upang makapanghusga sa mga bakla sa lipunan. Pilit ng mga itong itinatakwil, inaabuso at inaapi ang mga taong may ganitong kasarian nagbabakasakali na sa pamamagitan ng pananakit ay malinawan ang mga itong ang kanilang pilit na pagpapakatotoo sa kasarian ay isang kasalanan. Pinaninindigan ng mga taong ang lipunan ay hindi na dapat tumanggap ng anumang kasarian maliban sa babae at lalaki lamang sapagkat ito ang tama at kaisipang kanilang kinamulatan. Ang pagrespeto kahit hindi na sa kanilang kasarian kundi sa katotohanang sila'y tao pa rin naman ay tuluyan nang kinalimutan. Ang labis na paninindigan ng mga tao ay nagiging mitsa na upang masira ang buhay ng kanilang kapwa. Tunay na karamihan sa atin ay madaling nakikita ang mga kapintasan at kakulangan ng isang tao ngunit hirap tanggaping ang mga ito marahil ay kakaiba sa ating kinamulatan ngunit kadalasan sila pa yung may malaking ambag sa lipunan.
3. Tukuyin ang mga sinasabi sa tulang likong kultura’t tradisyon at bulok na paniniwala
Ang sinasabi sa tulang "likong kultura at tradisyon at bulok na paniniwala " ay ang paglitaw ng mga kasarian tulad ng mga bakla . Ito ang ipinahihiwatig na likong kultura at tradisyon sapagkat noon pa man ay kinamulatan at nakasanayan nang dalawa lamang ang itinuturing na wastong kasarian sa lipunan at iyon ay ang babae at lalaki. Ang katotohanang ang babae ay para sa lalaki at ang lalaki ay para sa babae lamang ay unti-unti nang nabago simula ng may lumitaw na ibang kasarian. Nakakakita tayo sa lipunan ng mga lalaki sa lalaking relasyon na kung minsan ay nauuwi pa sa mas malalim na pagsasama. Ito'y pinakamalaking pagbabago sa nakamulatan nating tradisyon at kultura. Ang paglitaw ng iba pang kasarian maliban sa kinilala ng Diyos at ng lipunan ay isang kasalanan na pilit man pangatawanan ay hindi pa rin katanggap-tanggap para sa karamihan. Ang tinutukoy naman na bulok na paniniwala ay ang hindi tumatanggap ng pagbabago na pananaw ng mga tao. At ginagamit pa ng mga ito ang matagal nang pinaniniwalaan para lamang mang-apak, manghusga at manakit ng kapwa nila tao. Tila napakarumi ng tingin nila sa mga bakla sa lipunan ngunit hindi nila naiisip na ang pananakit na ginagawa nila ay naglalagay sa kanila sa katayuang sinasabi nilang marumi sa lipunan. Kahit ano pa man ang kasarian ng tao ay karapat-dapat pa rin itong erespeto hindi para itrato na parang hayop. Kung ang hayop nga ay pinapahalagahan anuman ang itsura nito sa lipunan magagawa rin nating pahalagahan ang kapwa natin anuman ang kanilang kaanyuan, kasarian at katayuan sa lipunan. Sana'y mapukaw ang ating kamalayan na hindi kailanman magiging katanggap-tanggap na rason ang inyong pinaniniwalaan kung ginagamit niyo naman ito para manakit at manira ng buhay ng iba sa lipunan.
Comments
Post a Comment