Blog # 3: Sanayan lang ang pagpatay ni: Fr. Albert Alejo, SJ
SANAYAN LANG ANG PAGPATAY
Ni: Fr. Albert Alejo, SJ
(Para sa sektor nating pumapatay ng tao)
LILAM, QUEENY C.
BSCRIM 2-A
GABAY SA PAGSUSURI
1. Sino ang personang nagsasalita sa tula? Ano ang kanyang sinasabi?
Ang personang nagsasalita sa tula ay si Fr. Albert Alejo na siya ring sumulat nito. Sa pamamagitan ng tula ay ibinahagi niya ang kanyang karanasan sa pagsaksi ng pagpatay sa isang butiki. Ipinahihiwatig niyang ang pagpatay sa maliit o malalaking nilalang kahit saang anggulo mo man tingnan ay kasalanan ito sa batas ng Diyos at batas ng tao. Kahit ang pinakamaliliit na nilalang na nagtataglay ng buhay ay may karapatang mabuhay. Ang pagpaslang ay simbolo ng hindi pagrespeto sa buhay na ipinagkaloob ng Diyos . Ang mga kamay natin ay hindi kailanman karapat-dapat maging mitsa sa katapusan ng buhay ng isang nilalang sapagkat hindi tayo ang nagkaloob sa buhay na meron sila kung gayon wala rin tayong karapatang bawiin ito sa kanila. Ang pagpatay ay simbolo ng pagkakait ng kalayaan sa iba upang lasapin ang kagandahan ng buhay.
2. Ano’ng hayop ang pinapaslang sa tula? Paano ito natutulad sa pagpaslang sa tao?
Ang hayop na pinaslang sa tula ay butiki. Nailahad sa tula na ang pagpaslang sa butiki ay sumailalim sa proseso ng karahasan at pagpapahirap hanggang sa malagutan ito ng hininga. Ganito rin ang kawangis na sitwasyon sa pagpatay sa tao laging nagsisimula sa isang proseso ng karahasan at paghihirap hanggang sa bawian na ito ng buhay. Ang paulit-ulit na pagpaslang sa mga maliliit na nilalang ay naghahasa sa konsensya ng pumapaslang at hindi malabong makayanan na nitong pumaslang ng mas malalaking nilalang katulad ng tao. Ang salitang pagpatay sa kahit anong nilalang mo man ito iugnay ay isa lamang ang katotohanan na bumabalik sa ating lahat yun ay "ang pagpatay ay kasalanan" hindi lamang sa batas ng Diyos pati na rin sa batas ng tao. Ang ganitong uri ng aktibidad ay may karampatang parusa sa lipunan maging hayop man o tao ang iyong kinitil ito ay iyong pagbabayaran . Higit sa kahit anong nilang tayo ang may kakayahang saktan at pangalagaan ang mga ito sapagkat sa lahat ng nilikha ng Diyos natatangi tayo kung kaya't sana ay piliin nating protektahan ang mabababang nilalang sa abot ng ating makakaya. Ang buhay ay nilalasap at hindi nararapat na ipinagkakait.
3. Ano ang ibig sabihin ng huling taludtud ng tula?
“Habang ako’y pumapatay, kayo nama’y nanonood.”
Sa aking pagkaka-unawa sa huling taludtod ng tula ito ay nagpapahiwatig na sa bawat krimen tulad ng pagpatay ay laging may mga matang nakakasaksi nito. Ang mga matang aking tinutukoy ay ang batas hindi lamang ng tao kundi pati na rin ng Diyos. Sa mata ng batas ng diyos ang pagpatay ay hindi katanggap-tanggap at ito'y isang napakabigat na kasalanan na iyong pagbabayaran sa panahon na ikaw ay sumakabilang buhay. Sa mata naman ng batas ng tao walang krimen ang pulido ang pagkakagawa kung kaya't mananagot at mananagot ang taong nagkasala. Ang krimen tulad ng pagpatay ay may mga ebidensyang siyang magtuturo sa taong gumawa nito at hinding-hindi mag-aalinlangan ang mga matang ito para ikaw ay pagbayarin sa bilangguan. Ang tulang ito ay isang pasilip sa realidad na tayo ay nararapat na maging responsable sa mga kilos o bagay na ating ginagawa at huwag tularan ang pagiging marahas sa mga nilalang maliit man o malaki sapagkat ang paulit-ulit na pagpaslang sa mga maliliit na nilalang ay naghahasa ng ating kakayahang pumatay. Sa pamamagitan ng tulang ito sana ay mabuksan ang ating kamalayan sa masamang dulot ng pagpatay.
4. Kanino iniaalay ng may-akda ang tula? Sino-sino kaya sila?
Ang tula ay inaalay ng may-akda sa lahat ng tao na nasa lipunan nakagawa man ito ng krimen o hindi . Ito ay walang pinipiling tao upang pangaralan sapagkat lahat tayo ay likas na nakakagawa ng mga kasalanan o pagkakamali sa ating buhay ang mahalaga ay mas napapalalim natin ang ating kamalayan at napagninilayan natin ang ating mga nagawa. Ang tulang ito ay isang instrumento upang mapukaw ang diwa ng lahat ng tao sa lipunan at maimulat ang kamalayan sa pagrespeto sa karapatan at pananagutan ng bawat isa.
MUNGKAHING GAWAIN
1. Magsaliksik tungkol sa partikular na kaso ng pagpaslang sa panahon ng
kasalukuyang administrasyon. Matapos ay gumawa ng maikling reaksyong papel
hinggil sa kasong nasaliksik.
Ang kaso ng pagpaslang na aking sinaliksik ay ang pagpaslang ng tatlong opisyal ng pulis na sina police officer Arnel Oares, Jeremias Pereda at Jerwin Cruz sa labinpitong taong gulang na binatilyo na si Kian delos Santos sa Caloocan City, Metro Manila noong ika-16 ng Agosto ng taong 2017. Ayun sa imbestigasyon at paglilitis na naganap ay naging malaki ang naitulong ng nakuhang video ng mga pangyayari sa pagpapatunay sa krimeng nagawa.
Naging matunog ang kaso ni Kian delos Santos sa publiko sapagkat ang sangkot sa krimen ay ang tatlong kapulisan na bahagi ng pagpapatupad ng "war on drugs" ni pangulong Duterte na noon ay mahigit isang taon pa lamang na naluklok sa puwesto. Ang administrasyon ay hindi nagpabaya sa kaso at agad na tinugunan ito kung kaya't naging mabilis ang pag-usad ng kaso at sa loob lamang ng ilang buwan ay nakamit ang inaasam-asam na hustisya. Ang agarang pagbigay ng suporta ng Gobyerno ay nakabawas sa labis na hinaing ng publiko hinggil sa naaapakang karapatang pantao.
Sa pagkamit ng katarungan sa pagkamatay ng inosenteng si Kian delos Santos napatawan ng parusa ang bawat isa sa tatlong pulis ng hanggang 40 taong pagkakakulong "without eligibility for parole". Ang kaso ni Kian delos Santos ay isa lamang sa mga bihirang kaso na nagkamit ng hustisya sa Pilipinas at nagbigay ng mabigat na paalala sa mga kapulisan na ang pang-aabuso sa karapatang pantao ay may kalalagyan. Ang tuwirang pagpaparusa sa mga may kasalanan sa batas ordinaryo o may posisyon ka man sa lipunan ay nagpapatunay lamang ng isang makatarungang pamamahala. Sa likod ng tagumpay nakakalungkot lamang isiping isa nanamang inosenteng buhay, mabuting anak at matayog na pangarap ang nawala at gumuho. Nawa'y lubos nating mapagtanto na ang pagpatay ay hindi kailanman magdudulot ng magandang kinabukasan.
2. Nakasusulat ng sariling akdang pampanitikang tumatalakay sa iba’t ibang isyu ukol sa karapatang pantao.
Ang pagsilang sa atin sa mundong ito ay ang siyang kapanganakan rin ng ating mga karapatan at pananagutan bilang isang tao. Ang lipunan kung saan ang mga nagkakasala ay walang alinlangang pinarurusahan at ang mga mabubuti ay nagtatamo ng kalayaan ay ang lipunang siyang ating kinamulatan. Sa simula pa lamang ay naipadama na sa atin ang pagpapahalaga ng buhay, na ito ay isang biyaya na kusang ipinagkaloob sa atin ng maykapal at walang kamay ang magiging karapat-dapat para ito ay bawiin maliban sa kanya.
Sa paglipas ng maraming taon ay naging bahagi na ng lipunan ang mga suliranin talamak rito ay ang pagpatay o pagkitil sa buhay ng kapwa tao at ang pahirapang pagkamit ng katarungan. Alam natin na ang pagpatay ay mali at kasalanan ngunit sa ating kasalukuyang lipunan ay tila nakaligtaan na ang tunay na kahulugan nito. Sa bawat araw nasasaksihan sa mga telebisyon ang karahasan at walang pakundangang pagpapatayan na tila kalaunan ay pagpatay na rin ang nagiging solusyon ng nakataaas para wakasan ang isa pang problema. Ang karapatang ating kinamulatan ay hindi na sinlinis ng hangarin ng mga taong nagtataglay nito. Kaparusahan sa dahas ang impit na isinisigaw sa lipunan ngunit sadya nga talagang madungis na ang kinamulatang karapatang pantao sapagkat papaanong ang isang kriminal ay malayang nakakapasyal samantalang ang inosente ay naghihinagpis sa pagkakapiit. Napakaraming tao ang nagtatangis sa likod ng bakal na rehas sa kasalanang hindi nila ginawa at yun ay bunga ng labis na pang-aapak sa karapatang buong buhay nilang kinamulatan. Napakaraming buhay ang nasayang at naging biktima ng pagpatay na hindi kailanman binigyan ng pagkakataong maipadinig ang boses na magsisiwalat sa katotohanan.
Sa lipunang kasalukuyang ginagalawan matagal nang patay ang pagpapakatao at iilan na lamang ang mga matang may malinaw na paningin sa katarungan ngunit huwag sana nating sundan ang kasalukuyang daloy nito piliin pa rin natin ang gumawa ng tama hindi para linisin ang madungis na karapatang pantao ng iba kundi panatilihin ang malinis na karapatang pantao na meron tayo.
3. Mapahahalagahan ang dinamikong ugnayan ng panlipunang realidad at ng
panitikan.
Ang panitikan ay nagpapabatid ng mga kaisipan, mga karanasan, mga hangarin at damdamin ng mga tao. Napapahalagahan ang dinamikong ugnayan ng panlipunang realidad sa panitikan dahil sa ito'y isa sa instrumento upang maisiwalat at mapukaw ang kamalayan ng mga tao sa realidad na ang ating lipunan ay hindi ganon kapayapa at nagkukubli ito ng napakaraming panlipunang suliranin. Ang mga aral na naipapabatid sa pamamagitan ng panitikan ay nakakatulong sa mga mamamayan upang mapagnilayan at mapag-isipang mabuti ang mga bagay na maaaring kahihinatnan ng kilos. Ito ay nakakatulong sa tao upang bigyang halaga ang pagsunod sa kung ano ang tama at pag-iwas sa kung ano ang mali. Malaki ang naitutulong nito sa kamalayan ng mga mamamayan sa pagsunod sa batas na siyang mahigpit na ipinapatupad ng ating pamahalaan tungo sa mas mapayapa at maayos na kumunidad.
Comments
Post a Comment