Blog # 1: Isang Dipang Langit (Amado V. Hernandez)

"ISANG DIPANG LANGIT"
   Amado V. Hernandez

Ako’y ipiniit ng linsil na puno
hangad palibhasang diwa ko’y piitin,
katawang marupok, aniya’y pagsuko,
damdami’y supil na’t mithiin ay supil.

Ikinulong ako sa kutang malupit:
bato, bakal, punlo, balasik ng bantay;
lubos na tiwalag sa buong daigdig
at inaring kahit buhay man ay patay.

Sa munting dungawan, tanging abot-malas
ay sandipang langit na puno ng luha,
maramot na birang ng pusong may sugat,
watawat ng aking pagkapariwara.

Sintalim ng kidlat ang mata ng tanod,
sa pintong may susi’t walang makalapit;
sigaw ng bilanggo sa katabing moog,
anaki’y atungal ng hayop sa yungib.

Ang maghapo’y tila isang tanikala
na kala-kaladkad ng paang madugo
ang buong magdamag ay kulambong luksa
ng kabaong waring lungga ng bilanggo.

Kung minsa’y magdaan ang payak na yabag,
kawil ng kadena ang kumakalanding;
sa maputlang araw saglit ibibilad,
sanlibong aninong iniluwa ng dilim.

Kung minsan, ang gabi’y biglang magulantang
sa hudyat – may takas! – at asod ng punlo;
kung minsa’y tumangis ang lumang batingaw,
sa bitayang moog, may naghihingalo.

At ito ang tanging daigdig ko ngayon –
bilangguang mandi’y libingan ng buhay;
sampu, dalawampu, at lahat ng taon
ng buong buhay ko’y dito mapipigtal.

Nguni’t yaring diwa’y walang takot-hirap
at batis pa rin itong aking puso:
piita’y bahagi ng pakikilamas,
mapiit ay tanda ng di pagsuko.

Ang tao’t Bathala ay di natutulog
at di habang araw ang api ay api,
tanang paniniil ay may pagtutuos,
habang may Bastilya’y may bayang gaganti.

At bukas, diyan din, aking matatanaw
sa sandipang langit na wala nang luha,
sisikat ang gintong araw ng tagumpay…
layang sasalubong ako sa paglaya!


I.

- Ang tulang "Isang Dipang Langit" ni Amado V. Hernandez ay uri ng tulang pasalaysay sapagkat ito ay malinaw na nagsasalaysay ng kanyang karanasan. Ang teoryang angkop na gamitin sa pagsusuri ay bayograpikal sapagkat ang tula ay nakatuon sa karanasan mismo ng sumulat ng akda na si Armado V. Hernandez sa kalungan nang siya ay nabilanggo.

- Ang taglay na diwa/ tema na inilalarawan ng persona sa tula ay pagdurusa sa karanasan bilang isang bilanggo at ang maalab na paghahangad sa kalayaan.

- "Ang tao't Bathala ay di natutulog
 at di habang araw ang api ay api,
 tanang paniniil ay may pagtutuos,
 habang may bastilya'y may bayang gaganti."

      Ang saknong na ito ay higit na aking nagustuhan sapagkat nag-aalab ang pananalig sa diyos ng persona sa kabila ng kaniyang mga pagdurusa. Nanalig siyang hindi sa lahat ng pagkakataon ay maghahari ang kasinungalingan at sa pagtutuos ay mananaig pa rin ang katotohanan na siyang magpapalaya sa kanya.

II.

     Si Amado V. Hernandez ay isang makata, nobelista at mandudula. Isinilang noong ika-13 ng Sityembre 1903 sa Tondo, Maynila. Siya ay supling nina Juan Hernandez at Cara Vera. Itinanghal siyang orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining sa larangan ng panitikan. Ang "Isang Dipang Langit" ay isa sa kanyang akda.

III.

Si Amado ay isa lamang ordinaryong tao. Meron lamang siyang payak na pamumuhay. At tamang pangkabuhayan. Sa di inaasahan sya'y nabiktima ng maling paghusga. Hinatulan sa rehas na bakal at inilayo sa mundong kanyang nakasanayan.

Habang naka tanaw sa maliit na bintana nang kanyang selda. Napagisip-isip ni Amado kung gaano kalupit ang nangyari sa kanya. Hindi lamang ang kalayaan niya ang nawala sa kanya subalit pati ang kanyang diwa'y nagdurusa.Tanging tunog ng bakal na kadena at iyak ng kapwa niya sa loob ng selda ang tanging naririnig ni Amado. 

Habang naka tanaw sa maliit na bintana biglang tumunog ang kampana isang pahiwatig na merong buhay ang mawawala. 
Hindi lubos maisip ni Amado kung anong buhay ang mayroon sa loob ng selda. Ngunit isa lang ang tiyak na alam niya. At yun ay matatapos din ang paghihirap niya at makakamtan niya ang kalayaang ipinagkait sa kanya.
 
Naging mapait ang mundo kay Amado subalit patuloy parin siyang naniwala at nagtiwala sa maykapal na sa kahit anong pagsubok ang mahaharap niya sa buhay ay makakaya niya dahil may Dios siya at alam niyang hindi siya pababayaan nito. Dahil sa pananampalatayang ipinakita ni Amado'y nakamit niya ang kalayaang hinahangad at sa muling pagkakataon, may mga ngiti sa kaniyang labi'y naisigaw na niya ang  kalayaang nanunbalik sa palad niya.



Comments

Popular posts from this blog

Blog # 4: Babae ka Ni Ani Montano

Blog # 3: Sanayan lang ang pagpatay ni: Fr. Albert Alejo, SJ

Blog #2: Iskwater ni Luis G. Asuncion